Monday, February 11, 2019

Paano Magpalaki ng Kutchay (Garlic Chives)


Native na kutchay na nakatanim sa flowerbox namin
Bihira ako makakita ng kutchay sa palengke. Mas madalas ko pa nakikita ang dahon ng sibuyas o onion chives. Minsan nung naghanap ako, na-weirdohan sa akin yung nagbebenta ng gulay sa palengke hehehe. Hindi ako familiar sa kutchay. Nalaman ko lang ito dahil sa biyenan ko na taga Vigan, Ilocos Sur. Nilalagay niya ito sa lomo at sa miki.

Ang kutchay o garlic chives Allium tuberosum ay flat ang dahon kumpara sa dahon ng sibuyas. Kung hindi ka marunong tumingin, puwede mo siyang pagkamalang ligaw na damo. Mas malakas ang amoy nito at mas malasa. Sa mga nakapunta na ng Korea, gustong gusto nila ito sa omellete. Masarap din siyang pampalasa at pampabango sa gyoza.


Paano magtanim


Dalawa ang paraan kung paano simulan ang kutchay. 1) mula sa buto; 2) mula sa pinag-tanggalan o division mula sa malagong halaman. Ang lupa na pagtataniman ay dapat buhaghag. Hindi ito dapat maputik na nag-iipon ng tubig, o masyadong buhaghag na madali itong matuyuan.

Mula sa pinag-tanggalan


Mas mabilis kapag magsisimula ka sa pinagkuhaan na kutchay kasi hindi mo na siya hihintaying umusbong. Kapag hihingi ka sa kakilala mo, kinakailangang mahahaba at marami ang mga ugat. Maghukay ng malalim at malawak, mga tatlong beses ang lapad ng iyong kutchay. Sa gitna ng hukay ay dapat may maliit na bundok. Spread mo lang yung mga ugat sa ibabaw non at takpan ng lupa. Dapat mabaon ang kutchay ng 2 inches sa lupa. Diligan ito maigi at hayaang lumago. Kung nasa paso, itabi lang sa lilim ng mga 3 araw para hindi ito malanta.

itim na buto ng kutchay
Buto ng kutchay

Mula sa buto


Nakakuha ako ng mga buto mula sa mga alaga ko. Kadalasan ang isang dahilan ng paglago ng kutchay ay dahil sa mga naglalaglagang mga buto nito. 

Basain ang lupa ng pagtataniman mo. Maghukay ng maliit na butas na mga 1/4 inch na lalim lupa at ipunla ang mga buto. Puwede kang maglagay ng 2-3 na mga buto kada butas. Diligan ang ang mga ito at huwag hayaang matuyo ang lupa. 

Usbong ng kutchay mula sa buto
Depende sa ganda ng mga buto at init ng lupa, makakakita ka ng usbong mga 5 araw pagka-punla. Kadalasan ay maghihintay ka ng mga 1-2 linggo bago ka makakita ng usbong.

Hindi masyadong gusto ng kutchay ang basang o tuyong lupa. Kinakailangan ay mamasa-masa ang lupa. Diligan ang kutchay kada 1-2 araw, depende kung gaano katuyo ang lupa. Kung naninilaw ang mga dahon, itsok ang barbecue stick sa lupa ng mga 2 inches. Kung lumabas ito na basa, nasosobrahan ito sa dilig. Kung lumabas ito ng tuyo, kinakailangan nang diligan ang kutchay. 

Pataba


Bulaklak ng kutchay at mga buto
Hindi ako masyadong gumagamit ng pataba bukod sa vermicast. Naglalagay lang ako nito mga 1-2 beses kada buwan. Mas matapang kasi ang pataba, mas malakas ang lasa ng kutchay. Maglalagay lang ng mga 1 inch na kapal ng vermicast sa ibabaw ng lupa. Huwag hayaang dumikit ang pataba sa tanggkay ng kutchay at baka masunog ito.

Ani


Puwede kang kumuha ng kutchay pagkaraan ng 1-2 mos simula sa pag-usbong. Mas lumalago ang kutchay kapag madalas mong kinukuhaan ng dahon. Magkaiba ang bilis ng lago ng kutchay kapag native ito o galing ibang bansa. Mas maliit at maninipis ang dahon ng native kumpara sa mga galing China o Amerika na buto. 

Pollen mula sa kutchay
Puwede mo ring kunin ang mga tangkay ng bulaklag bago pa ito mamukadkad. Kadalasang sinasama ang mga murang bulaklak ng kutchay sa mga sopas at sweet and sour. Kung gusto mo naman siya na magkaroon ng buto, hayaan mo lang siyang mamukadkad. 

Kung walang mga paro-paro o bubuyog sa lugar niyo, maaring mahirapan kang magkaroon ng mga buto mula sa iyong kutchay. Siguro mga halos kalahating taon hind ako makakuha-kuha ng buto mula sa mga alaga ko. May ginawa akong experiment. Manual pollination. Kumuha ako ng pollen mula sa mga bulaklak at kinalat ko siya sa mga bulaklak. Ingat lang. Kung allergic ka sa pollen, wag mong gawin ito.

Masarap ang kutchay kapag sarili mong ani. Maaaring maghihintay ka ng matagal, pero kapag lumago na ito, soobra pa ito sa kinakailangan mo. Kung may tanong po kayo kung paano alagaan ang kutchay, huwag po kayong mahiya na magsabi sa comment section sa baba!

No comments:

Post a Comment